Tagaytay City, Cavite – Pinatunayan ng Premiumbikes Philippines na ang hilig sa motorsiklo ay walang pinipiling brand nang matagumpay nilang isagawa ang kanilang kauna-unahang “Breakfast Ride” noong Abril 26, 2025. Pinagsama-sama ng event na ito ang mga rider mula sa iba’t ibang motorcycle brands na may iisang layunin: ang sama-samang magbiyahe patungo sa Tagaytay para sa isang makabuluhang almusal at samahan.
Nagsimula ang biyahe bandang alas-singko ng umaga kung saan apat na grupo ng mga rider ang sabay-sabay na umalis mula sa kanilang itinalagang meet-up points. Nagkaroon ng mga checkpoint sa Premiumbikes Bayanan, Muntinlupa at Premiumbikes Biñan, Laguna kung saan unti-unting nabuo ang malaking grupo ng mga kalahok, kabilang na ang ilang solo riders na nagpahayag ng kanilang interes na sumali. Sa buong biyahe, naging tampok ang disiplina at paggalang sa batas trapiko, bilang pagsunod sa adbokasiya ng Premiumbikes para sa ligtas na pagmomotorsiklo.
Ang huling pagtitipon ng lahat ng mga rider ay naganap sa Shell Silang Cavite, kung saan sama-sama silang naghanda para sa huling bahagi ng biyahe patungong Tagaytay. Punong-puno ng excitement at camaraderie ang bawat kilometrong binagtas. Ramdam ang sariwang hangin at nakamamanghang tanawin ng Tagaytay, habang ang bawat kuwentuhan sa daan ay nagpapakita ng nabubuong pagkakaibigan sa pagitan ng mga rider, kahit pa hindi pa sila lubusang magkakakilala.
Sa pagdating sa Cabezera Ridge View Restaurant, isang kahanga-hangang tanawin ang bumungad sa mga rider, kasabay ng masarap na almusal na naghihintay. Habang nagpapahinga, nagkaroon sila ng pagkakataong mag-enjoy sa magandang kapaligiran, magkuwentuhan, at magbahagi ng kanilang mga karanasan.
Ang programa ay nagpatuloy sa isang activity area kung saan nagbigay ng mensahe ang mga kinatawan mula sa BPI at mga executive ng Premiumbikes. Binigyang-diin nila ang kahalagahan ng road safety at responsableng pagmomotorsiklo, lalo na sa harap ng tumataas na bilang ng mga aksidente sa kalsada. Sinundan ito ng mga palaro na nagdulot ng maraming tawanan at kasiyahan sa lahat ng naroroon.
Isa sa mga pinakahihintay na bahagi ng event ay ang pagdating ng mga kilalang motorcycle influencers tulad nina Jemelie Torres, MotorNiJuan, Motokem, at IamJamich. Nagbahagi sila ng mga inspirasyonal na mensahe tungkol sa pagkakaisa sa motorcycle community, pag-iwas sa “brand wars” at “road rage,” at ang pagsunod sa mga regulasyon sa trapiko.
Ang Premiumbikes Breakfast Ride ay higit pa sa isang simpleng almusal; ito ay isang pagtitipon na naglalayong palakasin ang samahan, paggalang, at disiplina sa hanay ng mga motorcycle rider. Sa pagtatapos ng araw, malinaw na kahit magkakaiba man ang kanilang mga motor, iisa ang kanilang layunin pagdating sa kaligtasan, pagkakaisa, at malasakit sa kapwa rider – isang diwa ng “sama-sama sa moTOURismo.